War Zone
May isa pong nakakalungkot na pangyayari sa Maguindanao…, Ang Maguindanao ay isang probinsya po sa ARMM sa Mindanao. Sinabi po sa news sa Inquirer.net kanina na ang asawa ni Vice Mayor Ishmael Mangudadatu ng Buluan sa Maguindanao na si Genalyn Mangudadatu, ang kasama pa nitong kapatid, lawyers at mga supporters na mga kababaihan, at mga media people - mga reporters na sumama lamang para i-cover ang pag-file nila ng COC sa COMELEC para sa kandidatura ni Vice Mayor Mangudadatu sa pagka-gobernador ay pinagpapatay lahat. Mahigit 40 katao daw po ang pinatay doon, kahapon.
Sabi sa Inquirer, sinabi ni Vice Mayor Mangudadatu na mga tauhan daw ng mga Ampatuan ang humarang sa kanyang asawa. Nakatawag pa raw ang kanyang asawa at nasabi sa kanya iyon. Ang mga Ampatuan po, kagaya rin ng mga Mangudadatu ay ilan sa mga malalaking pamilya sa ARMM. Ayon sa Inquirer at iba pang sources na nakita natin sa internet, Ang gobernador po ng ARMM ay si Zaldy Ampatuan. Ang gobernador po ng Maguindanao ay si Datu Andal Ampatuan Sr. Iba-ibang lugar po sa ARMM, mga Ampatuan at mga Mangudadatu ang mga Mayor, Vice Mayor at kung ano-ano pa.. Kung may definition po ng political dynasty ay doon po natin makikita. Pero iba po ang kultura doon, kaya hindi po natin alam kung masama sa kanila iyon.
Pero, hindi ko po akalain na ang mga ganitong patayan ay nangyayari pa sa Pilipinas. Sa ganitong pagkakataon, parang walang pinagkaiba ang Maguindanao sa Iraq o sa Afghanistan. Kung iisipin pa nga, parang lumalabas na mas malala pa! Nakakahiya po sa buong mundo at nakakalungkot po sa pamilya ng naulila ang kalagayan nating ito.
Sabi po ng REPORTERS WITHOUT BORDERS, ang pangyayari daw na ito sa atin ay isang “dark day for Press Freedom”. Ito raw ang “worst loss of life in one day in the history of journalism”. Sabi pa nila sa press release nila sa website na www.rsf.org: “Never in the history of journalism have the news media suffered such a heavy loss of life in one day”. Hindi ko alam kung totoo ito, pero lumalabas po yata na mayroon tayong nagawang napakasamang world record dito sa mahal nating bayan ng Pilipinas.
Sa ganitong sitwasyon, ano po kaya ang dapat gawin ng gobyerno? Ano po ang gagawin ng ARMM kung involved din ang Pamilya ng gobernador doon sa sitwasyon. Hindi ko po pinararatangan ang mga Ampatuan na sila na nga ang may kagagawan sa patayan, pero kung sila ang itinuturo ng asawa ng biktima hindi po ba dapat ay mag-inhibit sila sa anumang involvement para wag magulo ang kaso? Dapat po siguro ay mag-take-over muna pansamantala ang national government sa Peace and Order situation doon.. pero hindi ko po alam kung pwede iyon sa batas ng ARMM. Pero kinakailangan po talaga ang mabilis, at mabagsik na pagkilos dito ng pamahalaang Arroyo.
Talagang magulo ang politika sa Maguindanao at sa ARMM. Ang mga pamilya po doon ay may kani-kaniyang dynasty na pinangangalagaan. Dati na pong panahon, hanggang ngayon ay may mga karahasang nangyayari sa lugar na iyan, lalo na sa panahon ng eleksyon, bago pa man ang ARMM. Alam po natin na halos lahat ng opisyal sa ARMM ay nasa ilalim ng partido ng LAKAS na itinatag ng dating Pangulong Ramos at ngayon ay itinuloy at na-merge sa partidong KAMPI ng Pangulong Arroyo. Sa kabila noon, hindi po nawala ang karahasan sa lugar. Sa iba pa pong lugar ng ARMM, sa Basilan, doon sa Sulu at Tawi-tawi, nandoon pa rin ang mga teroristang Abu Sayaff, Patuloy pa rin po ang pagkikidnap doon ng mga bandidong grupo. Hanggang ngayon po ay hindi pa rin natatapos ang laban ng gobyerno at MILF.
Hanggat magulo sa lugar na iyon, paano po kaya ang mga mamamayan? Paano po kaya ang mga pamilihan, ang mga ospital, ang mga public services doon? Uunlad po kaya ang lugar na iyon, giginhawa kaya ang mga taong nakatira doon?
Kung pinag-uusapan po natin ang kahinaan ng ating gobyerno, parati po nating sinasabi na ang corruption ang pinaka masamang ginagawa ng ating Pangulo. Sa totoo lang po, bagamat ako rin po ay naniniwala sa talamak na corruption na nangyayari, hindi po natin napapatunayan ang lahat ng ito. Puro ngawa at ingay lang po ang nangyayari sa atin pero wala pong makapag-palabas ng tunay na ebidensya.
Pero panigurado ko po, ang kaguluhang nangyayari sa ARMM ay may pinagmulan din sa corruption. Kung iisipin po natin, ang mga kaguluhan po ay pwede nating mabilang, ang kidnapping po ay pwede natin ma-isa-isa. Itong kaguluhang ito, sa aking, palagay ang siyang pinakamalaking pagkukulang ng ating gobyerno noong dati pa at pagkukulang din ng gobyerno ni Pangulong Arroyo.
Kaya, kung sino man ang nais maging pangulo ay dapat magbigay ng komprehensibong solusyon dito. Komprehensibo po, hindi mga generalizations lamang. At kung hindi sila makapagsalita sa harap ng taong bayan kung ano ang dapat gawin sa ARMM at sa mga lugar na may kaguluhan, alam po natin na walang pagbabagong magaganap sa ilalim ng kanilang administrasyon.
Ito ang Sentro ng Katotohanan.
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment