Wednesday, November 4, 2009

Sentro Got Real (Part 2)

Yesterday, Sentro ng Katotohanan had Orion Dumdum again of GetReal Philippines to discuss more about forms of government, minority presidents, and platforms. The said broadcast is now available for listening or download.

Meanwhile, the following is yesterday's Sentro ng Katotohanan editorial/talking points..

Electoral Reforms

Alam po ninyo, kapag nagbabasa, nanood o nakikinig ako ng news, parang kokonti at paulit-ulit lang ang laman ng mga balita sa atin.. Nandyan po ang mga sakuna kagaya ng bagyo, lindol o sunog. Kapag may laban si Pacquiao, o kaya ay nanalo sa kanyang laban, puro iyon na lang ang balita. Kapag may graft and corruption expose sa Senado, puro iyon din ang laman ng dyaryo. Bukod doon, nandyan din ang mga patayan o kaya mga aksidente. Siempre, nandyan at malaking oras ang ginugugol sa balitang artista. And of course, kapag panahon ng eleksyon, nandyan ang balitang politika.

Wala naman pong masama rito. Minsan lang po, nagtataka ako kung bakit ang mga mas importanteng issues sa bayan ay hindi gaanong nababalita o napapag-usapan.
- Nakakalimutan natin ang ekonomiya, ano ba talaga, gumaganda ba o pumapangit ang ating ekonomiya?
- Puro graft and corruption ang issue pero walang solusyon?
- Ang presyo ng langis ay nagiging political issue
- Kailangan ba natin ang Jury Trial system, pati ang Grand Jury? Hindi napapag-usapan..
- Kailangan ba natin talagang baguhin ang ating konstitusyon?
- Bakit hindi natin napapag-usapan ang healthcare sa Pilipinas? Kahit nga yung women’s healthcare ay hindi napapagdebatehan ng husto…
- Hindi rin napapag-usapan ang relation natin sa ibang bansa
o Kapag lumalabas ng bansa ang pangulo, pinag-uusapan lang natin kung malaki nagastos sa restaurant at kung nag junket lang ang mga kasamang kongresista

Noong mga nakaraang taon, ang pinagkaka-abalahan ng mga tao sa pagbabalita na rin ng mass media ay kung paano mapapatalsik si Pangulong Arroyo. Nandaya daw ang pangulo sa eleksyon, na-involve daw siya sa ZTE deal, kumain daw sa Le Cirque, marami raw extra judicial killings at kung ano-ano pa..

Sa totoo lang, alam naman po nating lahat na ang pangulo ay hindi mag-reresign. Pero pilit pa rin po natin itong pinag-reresign. Alam din po natin na hindi natin siya mapapatalsik nang hindi magkukudeta, pero parang gusto pa nga nating magkagulo. Kahit sa kahuli-hulihan, puro term extension ang ating pinangangambahan. Kaso ang lumalabas, para tayong lahat natutulog sa pansitan.

Sabi ng marami, dinaya daw ng pangulo ang eleksyon. Pero simula noon hanggang ngayon, ang mga senador, mga congressmen, mga oposisyon, mga taong-bayan, wala po sila lahat na isinulong na electoral reforms. Gusto po ng lahat, magresign si Pangulong Arroyo, yun lang po basta. Tila nyo pag nag-resign si Pangulo, wala na tayong problema.

Kung titingnan natin, ang pinakamalaking election reform pa nga na naganap ay ang pagpapatupad ng Automated Election. Kung iisipin, ang administrasyong Arroyo pa nga na siya diumanong mandaraya pa ang siya pang nakapagsulong ng kaisa-isahang electoral reform sa Pilipinas.

Pero ano pa po ba ang mga kailangan nating baguhin sa sistema natin sa eleksyon?

Ngayon po makikita natin na sa automation, baka sana mawala na ang dayaan sa bilangan. Pero may isa pa pong dayaan na dapat nating tingnan na nangyayari ng harap-harapan: Ito po ay ang dayaan sa kampanya.

Habang sumisigaw tayo na mag-resign ang pangulo, wala pong nakaisip kung paano maipagbabawal ang paglabas ng mga politiko sa mga advertisement o endorsement ng produkto. Sa totoo lang po, ang pag-endorso ng mga politiko sa anumang produkto ay masama – ito po ay may obvious na conflict of interest. Pero hanggang ngayon, nangyayari po ito.

Habang gigil na gigil tayo sa galit kay Pangulong Arroyo, ni hindi po natin napag-usapan kung paano ipagbabawal ang pag-advertise ng mga ibat-ibang departamento ng gobyerno sa kanilang mga infomercials. Patuloy pong nakalagay ang mga mukha ng politicians sa mga projects at mga information ads nila. Sa lahat po ng okasyon, pasko, valentines, graduation, undas, ay may mga tarpaulin greetings tayong nakikita. Sa radio at TV, punong puno po ng advertisement ang ating mga politicians.

Samantalang sa isipan ng lahat ng tao ay napakasama ng ating pangulo, kaya po lahat ay nagsasabing walanghiya daw si Gloria, kahit ordinaryong tao yan ang sinasabi, Pero nauto yata tayo kasi wala ring pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. Harap-harapan po, nagcacampaign na ang lahat bagamat may naka-specify na campaign period. Siguro po talagang maigsi ang campaign period natin, pero sana po ay tanggalin na yung provision na yun kung ang iba ay pwedeng mangampanya. Kawawa po kasi ang mga susunod sa batas, sila po ay paniguradong matatalo.

Samantalang galit tayo kay PGMA dahil ayaw niyang sagutin ang mga paratang sa kanya, ang mga politiko po ngayon ay nakakapagtago at hindi natin matanong ng mga tanong na dapat nilang sagutin. Nasaan po ang platform nila, nasaan po ang accomplishments nila, nasaan po ang posisyon nila sa mga iba-ibang issues, hindi natin ito lahat malaman. Mi hindi po natin sila mapilit na sumali sa forums at debates. Boboto lamang tayo sa huli na para tayong mga bulag, basta bahala na. Sabi ng iba, si Noynoy na lang, mukhang mabait naman at anak ng mga heroes. Sabi ng iba, si Erap na lang kasi makamahirap. Si Villar na lang kasi galing sa hirap. Si Gibo na lang kasi parang matalino. Hanggang ganito na lang po kaya tayo? Hindi po kaya tayo parang isang malaking joke nito?

Malapit na po ang eleksyon, kulang na po ang panahon para sumigaw tayo ng electoral reforms. Pero sa obvious na panlolokong harap-harapan na nagaganap sa atin masisisi po ba natin ang masa na sumusunod lamang? O ang mga elitista kagaya ng nasa mass media at mga politikong oposisyon man o administrasyon, at maging ng mga taong nagsusulong ng kung ano-anong reporma, na siyang tunay na sinusundan?

Nasa ating tagapakinig po ang kasagutan, iyan po ang sentro ng katotohanan.


www.leadphil.blogspot.com

No comments: