Thursday, November 26, 2009

Tatlong Araw, Tatlong Panawagan

The following is today's Sentro Komento posted here in advance..
Tatlong Araw, Tatlong Panawagan

Matapos ang 3 araw nang naganap ang massacre sa Maguindanao, nakakalungkot na masyadong mababa pa rin ang level ng usapan sa ating bayan. Kapag nakikinig ako ng news, o ng mga komentaryo sa radyo, paulit ulit na balita doon ay kung gaano tayo nakakahiya sa buong mundo. Paulit-ulit sinasabi doon kung paano kinokondena ng mga ibang bansa, ng mga international groups ng journalists at ng pinuno ng United Nations ang karumal-dumal na pangyayari sa bayan natin. Nakalugmok na nga ang bansa natin, pero tayo mismo ay tila mo ba natutuwa pa sa pagiging gitna natin ng atensyon sa buong mundo. Tila mo ba walang bigat ang sarili nating opinyon sa sarili nating kalamidad, kailangan pa nating paulit-ulitin ang opinyon ng mga banyaga upang makasirado tayo sa ating opinyon.

Paulit-ulit ko rin naririnig kung paano sinusubukan ng mga mass media na idugtong sa gobyerno ni Pangulong Arroyo ang mga pangyayari. Sinasabing ang pamilya ng Ampatuan ay ally ng Pangulo. Ang mga ito raw ay myembro ng LAKAS. Pero nakakalimutan nilang sabihin na pati ang pamilya ng biktima ay ally din ng Pangulo at myembro din ng LAKAS bagamat lilipat na yata ng LP. Sa radio, meron pa ngang tumitira kay former Sec. Gibo Teodoro sa pagpapatalsik nila sa mga Ampatuan sa partido, na tila mo ba lumalabas na walang saysay ito o katawa-tawa lamang.

Kanina raw ay sumuko na sa gobyerno si Mayor Andal Ampatuan Jr., ang hinihinalang pinuno ng grupong nagmasaker sa Maguindanao. Meron na rin daw mga CAFGU or CVO na hinuli at nasa custody na ng pulis. Nung unang araw ay sinsupinde raw ang isang hepe ng pulis sa lugar doon.. nakapagdeklara rin ng state of emergency.. Pero kulang yata ang mga ginawang ito.. Hindi pa yata ito masasabing swift and decisive..

Matapos ang tatlong araw, inaasahan sana natin na nagkaroon na ng total gun ban sa lugar na iyon, kinansela na rin sana ang authority at pinasurrender ng mga kapulisan at ng lahat ng mga CAFGU doon, inilipat na sana ang mga military officers sa area, sinuspinde na sana ang mga nakaupong Ampatuan. Alam ko, comfortable po akong nakaupo dito sa booth ng radio station at hindi ko alam kung paano ipapatupad ang aking sinabi pero iyan po ang inaasahan sana ng mga tao. Sige po, pagbigyan po muna natin ang gobyerno at hintayin natin ang mga resulta sa loob ng ilan pang mga araw. Pero kung mukhang walang mangyayari dito sa lalong madaling panahon, isa na po ako sa hihingi sa resignation ng Pangulong Arroyo. Napakaseryoso po ng pangyayaring ito upang mauwi lamang sa wala.

Samantala, nakakabingi ang katahimikan mula sa mga Presidentiables. Pinahihintulutan naman po ng nakararami sa mass media. Bagamat lahat ng Presidentiables ay nagsasabing karumal-dumal ang mga pangyayari, wala namang nagsasabi kung ano ang dapat gawin. Parang nakikiramdam pa sila. Pinapakiramadaman pa nila kung may lakas pa ang mga Ampatuan para sa darating na eleksyon bago sila makapagsabi ng masama sa mga ito.

Palagay ko sa pagkakataong ito, kailangang itanong natin sa kanila, kung kayo ang Presidente, ano ang gagawin ninyo? Kung kayo na ang Presidente ngayon, ano na sana ang ginawa ninyo sa loob ng tatlong araw na ito. Tama na po ang mga motherhood statements laban sa karahasan. Tama na po ang generalities laban sa warlordism. Wala naman po talagang kakampi sa mga warlord at sa karahasan. Walang pong saysay yang mga statements na iyan. Wala rin pong saysay ang pagkakabilang ninyo sa oposisyon kung pareho rin lang ng administrasyon ang gagawin ninyo at wala ring pinagkaiba..

Kailangan po ay magbigay kayo ng mga specifics, ano po ang gagawin ninyo sa mga Ampatuan? Ano po ang gagawin ninyo sa mga Mangudadatu? Ano po ang gagawin ninyo sa mga CAFGUS? Ano po ang mga gagawin ninyo sa mga angkang may mga private armies sa Mindanao, sa ARMM, at maging dito man sa Luzon. At sa kasagutan ninyo, kaya po ba ninyo talagang gawin iyan? Ano po ang pruweba ninyo na kaya niyo iyang gawin?

Ulitin ko lang po, tatlo po ang pinananawagan ko:

Sa gobyerno: Sana po ay talagang ipatupad ang batas,
Sa mga kandidato: Sana po ay sabihin nila ang dapat gawin, hindi mga motherhood statements lamang
At sa Mass Media: Sana po ay itaas naman ang level ng usapan sa paghanap ng solusyon, hindi sa paghanap lamang ng masisisi.

Alam ko, tatlong araw na po ang nagdaan makatapos ang massacre sa Maguindanao pero taon ang bibilangin para masolusyonan iyon. Pero hindi po matatapos ang problema kung hindi natin uumpisahang tapusin ngayon.

www.leadphil.blogspot.com

No comments: