Rigodon
Marami po tayong naririnig ngayon na mga politiko na tila nyo ba nagririgodon. May mga commentators pa nga po na nangangantiyaw sa LAKAS party na hindi na raw LAKAS ang tawag dito kundi KALAS.
Sabi nga po, ang LAKAS daw po kasi ay ang partidong kinakalasan ng marami dahil ito raw ang partido ng Presidente na hindi na gusto ng mga tao, kaya’t hindi raw mananalo ang mga kandidatong tatakbo sa ilalim nito.
Lumalabas, gusto raw lumipat ng mga kandidato sa Liberal Party, dahil nandun ang winnable tandem nina Senador Noynoy Aquino at Mar Roxas. Siguro po, ang gusto ng mga politiko ay i-endorso sila ni Noynoy, itaas ang kanilang kamay nito at siguradong mananalo na rin sila!
Parang ganito rin nung panahon ni dating Pangulong Estrada, noong siya ang pinakamainit na kandidato, marami ang sumasama o nag-aalign sa kanyang partido. Tapos, ginagawa siyang parang mascot.. taga taas ng kamay ng mga local candidates. Sigurado, yung hindi ma-eendorse ni Noynoy, pupunta sila sa dating pangulong Estrada, para lang may makasama sa picture na kilala na.
Ang tanong ko, may bayad kaya yung pagtaas ng mga kamay na iyon? Sino kaya ang nagbabayad, yung nagtataas o itinataas ang kamay? Kung hindi man pera, ano kaya ang bayad?
Marami rin daw lumilipat sa Nationalista. Sabi nila, marami raw kasing pondo si Senador Villar, at may pag-asa ding manalo. So, sa kaso kaya ni Senador Villar, siya kaya ang nagbabayad, kung may bayad man, sa mga taong itataas nya ang kamay?
Kaninang umaga, nagpakita ng lakas ang LAKAS KAMPI. Malakas pa rin daw sila. Nagproklama sila ng mga kandidato, sina Defense Secretary Gibo Teodoro sa pagkapangulo at si Edu Manzano sa pagka-Vice ang napili nilang mga kandidato. Matatag daw ang LAKAS at malakas ang pwersa sa buong bansa.
Pero natatandaan ko po, noong House Speaker pa si Manny Villar, kakampi po siya ni dating Pangulong Joseph Estrada. Pero bigla siyang bumaliktad sa kanyang Pangulo at siya ang nagsulong ng impeachment ni President Erap. Ganun din po ang grupo ng mga Liberal na dating kakampi ni Pangulong Arroyo. Isang araw po, bumaliktad na lang sila kahit kakampi sila kahapon.
Kung titingnan natin ang mga lipatan na nangyayari, ay tila nyo normal na lamang ito sa bayan natin. Wala na pong hiya-hiya ang lipatan. Kahit kalaban mo dati, kampihan mo na ngayon, kung kakampi mo, labanan mo, ok lang. Hindi na po nakakahiyang tawaging balimbing, o kaya ay hunyango. Bakit po kaya parang hindi na sila natatakot sa sasabihin ng mga taong bayan? Talagang pinagbabale-walang bahala na nila lahat kung ano man ang sasabihin natin?
Kung susuriin natin, kitang-kita na bale wala sa mga kandidato natin ang tunay na integrity. Hindi po importante sa kanila ang katapatan. Bale wala ang isang salita. Siguro, para sa kanila, madali lang yan… gagawa lang sila ng isang maka-bagbag damdaming advertisement na may mga artista, o kaya ay may kasamang mahihirap nating mga mamamayan.. at sasabihin lang nila na may integrity na sila. Ayos na! Sasabihin lang nila para sa masa sila, ayos na! Sasabihin lang po siguro nila matatalino sila, sasabihin nila galing sila sa hirap, ayos na! Siguro, sa isip nila, uto-uto naman ang mga Pilipino, ok na yan. Hindi na mapapansin yan..., konting papogi lang makakalimutan na iyan.
Isa pa pong halimbawa..., si Mar Roxas nga po, di po ba dati kakampi siya ni Pangulong Erap? Hayun, bumaliktad. Tapos naging masugid na kakampi ni Pangulong Arroyo, di po ba? Tapos bumaliktad din. E ngayon nasa kay Noynoy na siya. Ito po ang tanong: Kapag nanalo po sila sa halalan, naging Pangulo na si Noynoy, tapos binabatikos na ng media, babaliktad din kaya siya kay Noynoy? Isipin po ninyo ng malalim. Talaga po, isipin po ninyo... Ano po sa palagay ninyo?
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment