Get Real Philippines may be read from the internet through their website. Yesterday's broadcast is now also available for listening or download.
Meanwhile, yesterday's Sentro talking points transcript is as follows:
Ang Bagong Politika?
Linnette, napansin ko, bago yata ang hairdo mo.. Alam mo may kinalaman iyan sa ating talking points ngayon…
Twing nakikinig tayo ng mga speeches ng mga kumakandidato sa pagkapangulo, parati po nating naririnig ang salitang pagbabago (o change o reporma). Parang ang salitang ito ang pinaka-gasgas sa ganitong pagkakataon. Parati po nilang sinasabi na kailangan na natin ang pagbabago tungo sa pag-unlad, o sa mas magandang bukas. Kahit po sa Amerika, yan po ang sinasabi ng kampanya ni President Barack Obama noong siyang kandidato pa lang. “Change we can believe” at “Yes we can” ang kanyang battlecry.
Sa atin po, ang naringgan na po natin ng ganitong mga salita ay sina Senador Escudero, Senador Legarda, Senador Roxas at Senador Aquino. Pagbabago ang kanilang mga itinutulak. Hindi lang po malinaw kung pagbabago saan?
Hindi naman po siguro pagbabago sa liderato ang kanilang sinasabi, kasi sigurado naman po naman natin na aalis na ang administrasyong Arroyo at papalitan ng mga mananalo sa 2010. Sa palagay ko po, medyo nagdurugo na po ang mga tenga ng tao sa mga sabi-sabing may term extension pang pinaplano ang Pangulong Arroyo, wala na po sigurong bumibili nang pananakot na iyon na wala namang basehan.
So ano po kayang pagbabago ang ibig nilang sabihin?
Noon pong na-interview si Senador Francis Escudero sa isang forum, tinanong po sa kanya kung ano ang meron siya at wala ang iba kung kaya dapat siyang iboto? Ang sabi po niya ng walang kurap ay kabataan. Ibig sabihin, siya raw po kasi ay bata kaya dapat iboto sya. Sa ibang bansa po, pag nagsalita ka ng ganito e talo ka na. Kasi parang sinabi mo, talo ng mga bata ang matanda sa pagpapatakbo ng bansa. Insulto po iyon sa mga matatatanda na sa atin. Sa buong kampanya ni Barack Obama, narinig po ba ninyong sinabi niya na siya ay bata? Mi hindi siya nag-refer sa kanyang age dahil alam naman ng lahat na hanggat malakas ang ating katawan at matalas ang pag-iisip wala pong saysay ang edad. Pero ang may edad, pwede po niyang ipaglandakan ang kanyang experience dahil ito ay pwedeng bigyan ng pruweba. Umpisang-umpisa pa lang po, ganito na ang kampanya ni Senador Escudero, ano po kayang pagbabago ang sinasabi niya? Ano po kayang pagbabago ang maaasahan natin sa kanya?
Eh kung iisipin pa po natin ang ang pamilyang Escudero ay matagal na po sa politika at ang kanyang ama ay isa sa mga ministro sa panahon ng dating pangulong Marcos. May magbabago kaya kay SEnador Escudero? Incidentally, kung titingnan niyo po ang website ng senador e parang ni wala man lang kahit isang reference tungkol sa kanyang ama.
At kung idagdag pa natin na ang kanyang partidong NPC (Nationalist People’s Coalition) ay ang partidong itinatag ng isang kilalang kaalyado ng dati ring Pangulo, na si Danding Cojuangco, may pagbabago nga po ba tayong maaaasahan sa kanya?
Pagbabago rin ang naririnig natin kay Senador Loren Legarda. Si Senador Legarda ay miyembro din po ng NPC. Noong tumakbo siya sa politika, may mga advertisements po siya sa hapee toothpaste, sa lucida, at maging sa clusivol kung saan nakabalandra ang kanyang mukha sa posters. Noong pong nakaraang eleksyon, sumama po siya sa kandidatura ni Fernando Poe Jr (the King of Phil. Movies) bilang kandidato nito sa Vice President, kahit na popularidad lamang ang kanilang ipinaglalandakan at wala naman pong platapormang matatawag ang kanilang kampanya. Ano po kayang pagbabago ang kanyang sinasabi.
Pagbabago rin po ang sinasabi ni Senador Mar Roxas. Kilala po naman natin ang Roxas na sadyang ilang henerasyon na na nasa politika. Kangina po ay ikinasal siya, at nasasabi nga po ng iba na parang ginagamit niya ang kanyang pagpapakasal para matulungan ang kanyang politika. Noong panahon po ng dating Pangulong Erap, kasama po siya sa gabinete nito. Noong mapatalsik na po ang dating Pangulo, kasama naman po siya sa mga kaalyado ni Pangulong Arroyo. Ngayon po na mukhang malakas si Senador Aquino e kasama naman po siya dito. Ang pinakamalaki lang pong argumento para sa kanyang pagbabago ay ang pagslide-down nya para kay Senador Aquino, pero marami rin ang nagsasabi na nagawa lang niya ito dahil mahina ang kanyang showing sa mga surveys. Ano po kayang pagbabago ang kanyang isinusulong ?
At of course, si Senador Noynoy Aquino ay puro pagbabago rin ang sinasabi. Ayon po sa kanyang website, Corruption daw ang biggest threat sa ating demokrasya… wala raw pong reform agenda na magtatagumpay kung hindi natin lalabanan ang corruption. Pero ano po ba ang ginawa ng Senador laban sa corruption? Meron po ba siyang mga batas na naipapasa laban dito? Sa mga speeches po niya nung mga nakaraan, naoobserbahan po ng mga tao na parati niyang nababanggit ang kanyang ama at ina. Nitong huli ay mukhang nababawasan na. Pero sa kanyang profile sa website, sabi po doon: It is in his bloodline, it is his Heritage. Ano po ba ang pagkakaiba kay Senador Noynoy noong bago at matapos mamatay si Pangulong Cory Aquino? Kung pag-iisipan po natin, parang wala pong pinagkaiba. Mataas lang po siya sa survey ngayon, noon po ay parang ni hindi alam ng marami na mayroon palang Aquino sa Senado. Yun po ba ang talagang dapat na tema ng kanyang kampanya, na siya ay anak ng mga bayani ?
Ngayon po sa kampanya niya, kasama po siempre si Kris Aquino, siempre si Boy Abunda at marami pang mga artista. Puro glitter po ang makikita natin, hindi po seryosong usapan. Pero seryoso po ang problema ng bayan hindi po ba? Hindi po natin siya naririnig sa mga totoong interview, kung saan itinatanong ang kanyang plataporma at ang kanyang mga accomplishments. Parang ganito rin po ang style ni dating Pangulong Erap Estrada, at maging ni Pangulong Arroyo nung sila ay kumakandidato pa. Umiiwas po sila sa mga debate at forums. Ganito rin po ba ang Senador? Sa totoo lang po, ano po kayang pagbabago ang isinusulong ni Senador Noynoy?
Sa lahat po ng mga pagbabagong naririnig natin mula sa apat na senador e parang wala po talagang magbabago. Pareho rin po ang style ng kampanya nila, pareho lang sa nakaraan, pare-pareho rin pong umiiwas sila sa mga mahihirap na interviews, at pare-pareho pa rin nga po sa karamihan maging ang kanilang apelyido sa mga nakaraan nang mga opisyal ng bayan, ano nga po kaya ang magbabago kapag sila ang ating ibinoto? Sabi nga po ni Mr. Tony Abaya, kolumnista ng Manila Standar Today noong nakahuntahan natin siya sa kabilang station: kailangan daw po natin ang tunay na pagbabago, kailangan natin ang isang rebolusyonaryo (hindi sa violent na revolution kundi sa matinding uri ng pagbabago). Wala raw po ang pagbabagong ito sa mga sikat na mga kandidato natin dahil puro luma na sila, wala naman daw po silang ginagawang pagbabago nung nakaraan, kayat paano po natin makikita sa kanila ang tunay na pagbabago?
Isa lang po ang masasabi ko. Siyanga naman!
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment