The Sentro ng Katotohanan October 13, 2009 broadcast is now uploaded for listening or download.
Meanwhile, the transcript of yesterday's talking points follows:
Kailangan na ang Solusyon
Kanginang umaga, nakapanood ako ng TV, yung Unang Hirit, pinag-uusapan nila ang bagyong si Pepeng. Kahit sa Channel 2 ganun din.. sa Umagang Kay Ganda. Hanggang ngayong gabi, sa Saksi at sa TV Patrol, pare-pareho ang usapan..
- Marami raw ang nasalanta,
- Marami nga raw ang namatay (almost 300 persons)
- May balitang idedemanda ang consortium na nagooperate ng San Roque Dam ng Local Government units ng mga bayang nasalanta
- Sinasabing 5,000 cu.m per sec, daw ang pinawalan ng dam noong kasagsanan ng ulan.. At para maka-appeal sa mga OFWs, sinabi pang parang 5,000 OFW boxes daw ito kada isang segundo
- Magkakaroon pa daw ng senate hearing tungkol sa mga dams..
Sa palagay ko, parang mayroon nang gustong masisi ang mga tao. Parang gusto nilang isisi ang lahat ng pangyayari sa dam ng San Roque. Parang magiging punching bag dito ang NAPOCOR na siyang may control nito.
Sa palagay ko nagkakamali ang direksyon ng usapan.
Isa isang tabi muna natin ang dams, may tanong po ako sa mga local government units doon na tinamaan ng pagbaha at sa pagguho ng lupa..
Meron pa bang mga taong nakatira sa kanila sa mga delikadong lugar? Bakit meron pang nakatira sa tabi ng ilog, bakit meron pang nakatira sa gilid ng bangin ? Meron pa bang mga lugar na pinagpuputulan ng mga puno na hindi dapat pag-putulan ?
Meron ba silang ginawa para mamonitor ang sitwasyon ng baha ? Meron ba silang lugar na lilikasan ng mga tao sa ganitong pagkakataon at nagpatupad ba sila ng evacuation ?
O patuloy silang natutulog sa pansitan?
Hindi kaya gusto lang nilang ibunton ang galit ng tao sa mga dams ?
Kahapon, narinig ko si Senator Francis Escudero, ang sabi niya, “kung walang dam, hindi nagbaha ang Pangasinan”. Yan mismo ang kanyang sinabi noong nasa palatuntunan siya sa Radio kahapon ng Umaga sa ABS-CBN. Hello? Ganun lang iyon?
Nakapagtataka hindi man lang sinabi ng Senador kung bakit niya nasabi iyon. Hindi man lang niya sinabi kung ano ang basehan nya…, parang statement of fact lang. Hindi man lang din siya tinanong ng anchor ng radio show na iyon.
Napakagrabe ng ganitong paratang. Buhay ng tao ang nasira resulta ng baha at bilyong pisong pananim ang nawasak (kaya’t maraming buhay pa ang maaapektuhan). Tila mo sumasakay sa issue at nangunguna sa paninisi si Senador Escudero na sa palagay natin ay talagang iresponsable. Ang ganitong paratang kung ipupukol ay dapat puno ng detalye, hindi ng mga opinyon lamang. Kung ito ay opinyon lang, dapat ay linawin nya. Kung hindi, parang isa lamang siyang ordinaryong tsismosong tao na naninira ng iba. Ito kaya ang leadership na balak niyang ipakita?
At speaking of Senador Escudero, kataka-taka na biglang sumulpot siya sa lahat ng news. Pati na ang panukala niyang ipasa na lang daw lahat ang estudyante sa school year na ito ay talagang pinag-uusapan pa, tila mo napaka news worthy – pero pag inisip mo talaga ay parang kwentong kutsero lamang. Kung maaala natin, sinabi niya noong mga nakaraang buwan na magdedesisyon siya kung tatakbo sa 2010 sa kanyang birthday na October 10. Parang lumalabas na pinaghandaan niya ito, mukhang naka-setup na ang mass media para sa kanya. Pero nagkataon, nakakahiyang magdeklara sa gitna ng trahedya at matatabunan lamang ng ibang balita ang kanyang announcement, kaya’t mukhang nag-iba ang plano. Dahil kaya sa naglaan na siya sa mass media at hindi na niya mabawi iyon, kaya’t kahit anong balita na lang tungkol sa kanya ay inilalabas na na tila mo hot news?
Balikan po natin ang dam…
Sa Mass Media, marami po ang bumabatikos sa Napocor kung bakit daw biglang nagpawala ito ng tubig sa San Roque Dam sa kasag-sagan ng pag-ulan nang walang warning. Immediately, masasabi ko po agad na ito ay mali. Kung ang mga nasa mass media po ay nagmomonitor ng website ng PAGASA simula noong dumating si bagyong Pepeng, makikita po doon na maraming dam ay naglalabas na nang tubig kahit wala pang baha. Simple lang po itong malaman, maglog-on lang po sa www.pagasa.dost.gov.ph at hanapin ang Dam Status. Wala po kayang access sa internet ang mga nasa mass media o sadyang wala silang paki-alam.
May narinig po akong nagsabi sa Mass Media na grabe daw ang pagpapalabas ng tubig, 5,000 cu-m/sec daw ang ipinalabas, kasing dami ng 5,000 balikbayan boxes! Nakapagtataka, bakit po parang hindi naman nila tinanong ang PAGASA o ang operator ng dam ng San Roque kung gaano naman kadami ang dumadating sa kanila tubig, hindi kaya mataas pa sa 5,000 cu-m/sec at napigil pa ng dam ang iba? Sana po ay itanong muna ito ng mass media para hindi po tayo magmukhang tanga. Sa ibang bansa po kasi, alam po nang marami na ang dam ay nakakatulong pumigil ng pagbaha. Dito lang po yata sa atin mali ang pananaw natin sa dam.
Hindi ko po sinasabing walang kasalanan ang San Roque dam. Kailangan pong imbestigahan ito kung meron ngang pagkakamali. Pero wag naman po nating sirain ang reputasyon ng mga may-control dito nang hindi pa natin alam ang katotohanan. Ganun din po, hindi ko po sinasabi na ang mga local goverments ang may kasalanan, kailangan din pong bigyan sila ng pagkakataon bago natin mahusgahan.
Ang kahilingan ko po sa mga kababayan natin, tingnan po nating ang mga pangyayari sa ating kapaligiran. Pag-isipan po natin ng mas natural ang mga bagay-bagay (hindi po hinihiling ang mas malalim), mas natural lamang po dahil simpleng logic lang naman po ang kailangan nating gamitin. Huwag po tayong magpapadala sa mga grupong kung ano-anong propaganda ang ginagawa sa gitna ng sakuna. At tandaan po natin mas importante po ay hanapin natin ang solusyon, tama na, wag na pong paulit-ulitin ang problema, Solusyon po ang kailangan natin.
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment