There are notable differences in the approach to the problem between the three local executives which may be of interest to those looking for long term solutions to the country's problems. Sentro ng Katotohanan hopes to forward these idea to the consciousness of everybody in light of the coming 2010 elections.
The broadcast which include the interview with Mayor Jesse Robredo may now be listened to or downloaded from www.leadphil.blogspot.com
Meanwhile, the following is the transcript of yesterday's talking points:
Handa na ba tayo sa Paparating na (mga) Bagyo?
Dalawang klaseng bagyo po ang dumarating sa ating bayan. Una na nga po ang mga bagyong hangin at ulan. Nagdaan na po sa atin si Ondoy at Pepeng nitong huli, at papasok na at nararamdaman na ng ilan nating mga kababayan si Ramil.
Ang ikalawang uri po ng bagyo na parating sa atin ay ang bagyo sa politika. Nagparamdam na po ng dagundong ang bagyong Erap. Marami ang nagsasabi, mas malala daw ang bagyong ito. Tama po kaya iyon?
Unahin na po natin ang Bagyong Ramil. Handa na po ba talaga tayo upang salubungin ito? May mga natutunan po ba tayo sa mga pangyayari kay Ondoy at Pepeng? Mayroon po siguro. Halimbawa, imbis na hintayin pa ang bagyo, mayroon na po tayong nakikita sa balita na sinasabing mga paglikas sa dadaanan ng bagyo. Nagpadala na rin po ng relief goods doon sa mga lugar na palagay ng marami ay matatamaan ni Ramil. Naka-alerto na po ang mga local government officials, ang mga relief organizations, at matamang nagbabantay ang National at Provincial at maging ang Local Disaster Coordinating Councils. Pati po ang MASS MEDIA ay nakabantay sa bagyo at nag-rereport ng kahit isang maliit na pagbabago sa pagkilos nito. Natutuwa nga po ako at ngayon ay tinitingnan na ng Mass Media ang website ng PAGASA, pati ang report doon tungkol sa sitwasyon sa DAM na siyang pinananawagan natin sa mga kasamahan natin.
Pero nakahanda na nga po ba tayo?
Noong mga nakaraan linggo, ang dami pong usapin tungkol sa mga DAM na sa palagay natin dito sa Sentro ng Katotohanan ay mga usaping walang batayan. Marami ang naninisi sa DAM, ito raw ang dahilan kung bakit nagbaha sa Pangasinan. Sa mass media, sa mga senador at sa kongreso at sa ilang mga local governments ay pare-pareho po nating naririnig ang paninisi sa dam. Ang nakalulungkot, hanggang sa ngayon e wala pa pong matibay na pruweba o kapani-paniwalang dahilan na ang dam nga po ang masisisi. Meron pa nga pong lumabas na balita na ang San Roque Dam daw po ay nasa fault line at maaaring masira sa isang earthquake, kaya ito ay dapat isara. Sa akin pong palagay, tayo po ay nagsayang lang ng oras sa usaping iyon.
Nakahanda nga po ba tayo? Linawin ko lang po ang aking tanong… Kung mangyari po muli ang pag-ulan ng kagaya kay Ondoy… nakahanda po ba tayo? Halimbawa, kung sa gitna ng siudad ng Tuguegarao, o ng Santiago sa Isabela, o anumang bayan doon na mababa at parang basin, ay umulan hanggang sa malubog ang lahat ng mga first floor ng bahay, marami po ba ang mamamatay? Kung hindi po natin naisip ito ay napakalaki po ng ating katangahan. Kung hindi po tayo naniniwala na mauulit pa ang Ondoy, mangyayari po muli ang Pepeng. Ang sabi po ni Pepeng sa atin… maniwala kayo!
Sa halip na nag-aaway-away tayo sa DAM na wala namang napuntahan, dapat ay pinag-usapan na kung san ba pupunta ang mga tao sa bayang dadaanan ni Ramil kung sakaling tumaas ang tubig kagaya ng kay Ondoy? Sa halip na ipilit ipasara ang San Roque na alam naman natin na walang sapat na dahilan, bakit po hindi natin itinanong kung anong mga bayan ang may peligrong malubog sa buong bansa natin kung umulan ng mahigit 500mm sa loob ng anim na oras?
Sigurado ko pong makakakita tayo muli ng mga nakalubog na bahay, hindi ko lang po alam kung si Ramil ang magpapakita nito muli. Hindi na po magiging balita iyon. Ang magiging balita na po sa buong mundo ay kung gaano tayo katanga at kawalang pakialam.
Hindi po natin maiiwasan ang pag-ulan at pagbagyo. Wala po tayong magagawa doon. Ang magagawa lang po natin ay alamin kung paano maiwasan ang mas malaking sakuna. Baka po naghahanda tayo sa Iyan po sana ang maging focus ng ating mga government officials, local man o national. Yan din po sana ang maging focus ng ating mass media.
Sa bagyo naman po ng politika, marami ang nagsasabi na mas malaking trahedya para sa bayan natin ang pagtakbo ni dating Pangulong Joseph Estrada sa 2010. Hindi raw po kakayanin ng bayan natin ang isang Bagyong Erap.
Sabi po sa ating konstitusyon, sa section 7, article 4:
The President shall not be eligible for any re-election. No person who has succeeded as President and has served as such for more than four years shall be qualified for election to the same office at any time.
Ang sabi po ng mga defender ni Erap, kagaya po halimbawa ni UE College of Law Dean Amado Valdez, ibig sabihin daw po noong katagang “The President” ay yung nakaupong presidente. Sang-ayon po kaya ang lahat ng mga lawyers na galing ng UE College of Law sa sinabing iyon ng kanilang Dean?
Kahit po bata na nakakaintindi ng ingles, kapag binasa po ang konstitusyon ay paniguradong sasabihin nila na hindi pwede tumakbo ang dating pangulo. Basahin po natin muli ang section 7, article 4, this time isama natin ang naunang sentence:
The President and the Vice-President shall be elected by direct vote of the people for a term of six years which shall begin at noon on the thirtieth day of June next following the day of the election and shall end at noon of the same date, six years thereafter. The President shall not be eligible for any re-election. No person who has succeeded as President and has served as such for more than four years shall be qualified for election to the same office at any time.
Kung ang simpleng salita po ay binabaluktot natin, magkakaintindihan po ba tayo? Kapag sinabi kong Yes tapos sinabing mong ang ibig kong sabihin ay No, meron po kaya tayong mararating na magandang kinabukasan?
Ang sabi po ni Pangulong Erap Estrada, wala raw po siyang napatunayang pagkakasala. Nakalimutan po yata niya na siya ay na-convict sa kasong Plunder, ang ibig sabihin po ng na-convict ay napatunayan sa korte. Dahil po siya ay na-convict, ang Pangulong Erap Estrada po ay humingi ng pardon sa pangulo para makalaya. Ang ibig sabihin po ng paghingi ng pardon ay paghingi ng dispensa para wag maparusahan. Ngayon, kung sasabihin po ng dating Pangulong Erap Estrada na ang ibig sabihin ng Na-convict ay hindi napatunayan, at ang ibig sabihin naman po ng Pardon ay walang kasalanan, e hindi na po natin kailangan ng dictionary. Itapon nyo na po lahat iyan kasi wala po palang ibig sabihin lahat ng salitang nakasulat sa dictionary ninyo.
Panigurado ko po, ang usaping ito ay dadalhin sa lahat ng korte. Pagkakagastusan po natin ito ng pera at oras, magkakagalit-galit ang mga taong bayan, magkakaroon po ng usaping legal, quequestionin po ang decision ng korte at magkakagulo. Dahil lang po sa iniiba natin ang ibig sabihin ng mga salita sa dictionary. Eto po ba ang gustong gawin ng dating pangulo ? Ito po ba ang gustong gawin ng isang lider ng bayan?
Sa announcement ni Erap, sabi po nya, ito raw po ang “last performance of his life.” Sa pelikulang ito na kanya daw gagawin, nasabi niyang “hindi kayo ang bida kundi ang masa.” May error po siya sa script dahil ang kinakausap po niya ay ang masa. Ang ibig po niyang sabihin, “hindi ako ang bida kundi ang masa”. Ni sa blunder na iyon, walang nakapansin sa mass media. Mga bingi po yata lahat ng nag-cover doon sa event.
Sa lahat po ng news report gusto pong palabasin na malakas pa rin ang hatak ng dating pangulo sa Masa. Parang ibig din pong sabihin na kung sakaling muling mananalo si Erap, walang ibang masisisi kundi ang masang pilipino. Pero tingnan po natin, noong mag-announce si Nick Perlas, isang international multi-awarded environmentalist, ng kanyang pagtakbo, ang mass media po na pag-aari ng mga mayayamang tao ay parang nadighay lamang. Parang 99% percent po ng Pilipino ay hindi man lang nakaalam. Noong tumakbo po si Erap sa advertisement ng Arthro, parang 99% percent na po ng Pilipino ang nakaalam. Ngayong pong nag-announce ng pagtakbo si Erap, nagkumahog po lahat ang mass media sa pag-cover sa kanya, prime time ang ibinigay at binigyan po ng panahon sa mga interview yung mga depensa ng dating pangulo na tila mo ba matibay din ang depensa. Tanungin po natin sa ating sarili, ang Masa po kaya ang may kasalanan o ang Media ng Masa?
Sabi pa rin po ng dating Pangulo, siya raw po ay pinagtulungan at pinatalsik ng mga “Power-Hungry Elite”. Ito po ay may tono pa ng class warfare.. pinaglalaban ang mayaman sa mahirap. Pero tama siya, nasa Elite po ang pagiging Power-Hungry. Ang tanong, hindi po ba kasama rin siya at ang kanyang mga kaalyado sa mga matuturing na Elite?
Kagaya rin po ng sinabi ko tungkol kay Manny Pacquiao noong nasa kabilang station pa tayo.. kung nais makatulong ng isang sikat na tao, hindi po niya kailangang tumakbo sa politika. Kung si Kuya Ef ng Cavite ay may nagagawang tulong sa bayan, kung si Harvey Key na hindi naman sikat ay may nagagawang tulong sa bayan, kung si Rey Quijada na isang mag-bubukid sa Mindanao ay may nagagawang tulong sa bayan.. Ang paggamit pa lang ng pangalan po nina Erap Estrada, Manny Pacquiao, kahit ni Noynoy Aquino at Kris Aquino, o maging sina Vilma Santos, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Edu Manzano, Richard Gomez, at iba pa.. ang paggamit pa lang pangalan nila ay may malaki nang maitutulong. Hindi po nila kailangang tumakbo sa eleksyon. Kung sinasabi po nilang kaya sila tatakbo ay dahil gusto nilang makatulong… para sa atin, iyon po ay isang pambobola lamang. Pwede po silang makatulong sa bayan kahit hindi tumakbo sa halalan. Sa totoo po, mas malaki po ang kanilang maitutulong kung hindi sila tatakbo.
Sabi nga po ni Dolphy, ang pinakasikat na komedyante sa Pilipinas, noong tinatanong siya kung bakit ayaw niya tumakbo bilang pangulo, sabi po niya : Hindi raw po siya natatakot tumakbo, alam niyang siya ay mananalo. Yun nga raw po ang kinatatakot niya, ang siya ay manalo. Marami naman daw pong IBANG paraan para makatulong sa bayan.
Sa totoo lang, hindi ko po alam kung malakas ang Bagyong Erap. Baka po sa mga nangyayari ngayon ay Bagyong Noynoy ang dumating. At least po, alam natin, walang darating na Bagyong Dolphy.
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment