Mga Forums at Debate
Kanina, napanood ko sa ANC ang isang Presidential Forum na ginanap sa AIM (Asian Institute of Management). Doon po, tatlong kandidato ang umattend, sina Gilbert Teodoro, Dick Gordon at Manny Villar. Sa palagay ko po, sa lahat ng forum na napanood ko, maging kumpara sa forums na ginawa rin ng ANC, eto pong forum kaninang umaga ang pinakamahirap at pinakaimportante para sa mga kandidato. Ito po sa palagay ko ang pinaka-prestigious dahil sa prestigious roster ng mga natatanong. Ilan po sa mga nagtanong ay ang Presidente ng European Chamber of Commerce, si Mr. Flor Cruz ng CNN, si Ms. Pamintuan ng Phil. Star, si Jose Cuisia, dating governor ng Central Bank, at maging ang dating Presidente Fidel Ramos. Ang mga katanungan po ang nakasentro sa economiya, sa competitiveness ng Pilipinas sa foreign investors, sa Maguindanao massacre, sa foreign relations. Maganda dahil puro issues po ang usapan at kumukuha ng direct answers sa mga kandidato.
Sa palagay ko, malaking pagkakamali po ni Noynoy Aquino ang hindi niya pagdalo sa forum na ito. Parang lalabas na natatakot siya sa mga mahihirap na tanong at hindi niya talaga kayang tumindig sa sariling paa Ano kaya ang dahilan ng Senador? Malaki po ang tama sa kanya ng nangungutyang tanong ng dating Pangulong Ramos: Where are the Others?
Noong dati po, si Senador Villar ay hindi umattend ng forum ng ABS-CBN sa UST na hosted ni Ted Failon. Kwinestyon ko rin po ang Senador noon sa aking komentaryo kung bakit hindi siya umattend. Pero ngayon po ay naiintindihan ko. Lumalabas pong hindi umattend si Villar doon dahil na rin kay Ted Failon mismo. Mukhang may personal na alitan po sila at hindi umaasa ng fairness si Villar kung si Failon ang magtatanong.
Pero kanina po, si Ricky Carandang ng ANC and host ng forum. Mukhang safe naman po iyong host na yon. Mukhang matagal na rin pong nasabihan si Noynoy Aquino tungkol sa forum na ito (dahil isang linggo na ring pinag-uusapan sa mga internet forums ang hindi niya pag-attend dito). Ano po kaya ang kasagutan ng Senador? Nasaan po kaya siya?
Pero kung ako po ang tatanungin palagay ko po sa mga ganitong forums kung saan iniimbitahan ang lahat ng kandidato, dapat po siguro ay gawin itong debate at hindi forum lamang. Kapag debate po, malalalaman natin kung saan magkakaiba ang kanilang mga plataporma at stand sa issue. Kung forum lamang, pwede po silang sumagot ng pare-pareho at walang pagkakaiba. Makakalito po iyon sa mga botante. Madali lamang po namang gawin ito, at nasa host po iyon. Pwede lang pong i-challenge ng host ang mga sagot, at itanong sa bawat isa kung ano ang reaksyon nila sa mga sagot ng iba. So importante po talaga ang debate.
Bukod po dito, sa palagay ko, dapat ay huwag piliting i-cover lahat ng issues sa iisang forum. Dapat po ay may debate na hiwa-hiwalay sa bawat issue. Dapat po, may debate isang araw tungkol sa economiya at business, may debate sa ibang araw tungkol sa peace and order, may debate ibang araw tungkol sa healthcare at women’s issues, may debate sa ibang araw tungkol sa charter change, at kung ano-ano pa..
Ang isa pa pong gusto ko sanang makita ay ma-improve ang treatment ng mass media sa mga debate at forums, at maging mga sa interviews. Kung mapapansin ninyo, ang forum po ng GMA, hindi kino-cover ng ABS-CBN, ang forum naman ng ABS-CBN, hindi pinapansin ng GMA. Ang interview ng isang station hindi pinipick-up ng kabilang istasyon. Ang interview sa isang radio hindi nalalaman sa kabila at nang buong bayan. Ang nangyayari po tuloy, ang bawat tanungan at interviews ay nagakakapare-pareho lamang ng tanong. Paulit-ulit at hindi na tayo nakakasulong.
Masasabi ko po sa mass media, natutuwa ako sa improvement na nangyayari, noong dati po walang mga forums na ganito, ngayon mayroon na. Kung ginawa po natin ito dati, siguro hindi nanalo si dating Pangulong Erap Estrada, at maging ang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na parehong expert sa pag-iwas dito. Pero huwag po sana tayong tumigil, pwede pa nating itama at iimprove ang ating ginagawa. Marami pa pong improvement na pwede tayong gawin. Debate po ang kailangan natin, iba-ibang debate iba-ibang araw at malawakang pagpapakalat ng impormasyon na napupulot dito sa lahat ng station ng radio at TV at pati sa dyaryo. Dapat po nating gawin ito, para sa ating kinabukasan. Ito ang Sentro ng Katotohanan.
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment