Villar’s C5 mess
Matapos ang mahigit isang linggo, mainit pa ring usapan ang tungkol sa kaso ni Senador Manny Villar sa Senado na may kinalaman sa proyekto sa C5 Road. Sabi nga po ng Senado sa pangunguna ni Senate President Juan Ponce Enrile na dapat daw pong ibalik ni Senador Villar ang mahigit 6 Bilyong piso na di-umanoy kanyang ninakaw sa kaban ng bayan. Sinabi na po natin noon at sasabihin pa rin po natin ngayon, nakakatawa naman itong pigura na ito at parang nagbibiro tuloy ang senado.
Actually, hindi po senado lamang ang parang nagbibiro, parang nagbibiro po tayong lahat? Bakit ko po sinasabing para tayong nagbibiro?
Kasi po kapag pinag-uusapan ito parang normal lamang sa atin. Sa mga news, pagkatapos ng ganitong balita, balita naman tungkol sa showbiz at tsismis ang lumalabas. Halo-halo po ang mga balita, mga tsismis nakahalo sa ganitong importanteng paratang sa isang senador mula sa senate president mismo. Para pong tsismis as usual lamang, parang normal na lang.
Nakapagtataka po kasi, kung seryoso ito at totoo, at worth 6 Bilyon pesos na corruption, bakit ang tagal na at ngayon lamang pinag-uusapan?
Kahapon, isa pong supporter ni Senator Noynoy Aquino ang nag-email sa akin ng senate committee report na inakda ni Senador Enrile. Sabi pa po niya, ang dokumentong ito raw ay punong-puno ng detalye at pruweba ng corruption ni Senador Villar. Huwag daw nating itong iboto dahil totoong kurakot daw. Parang paniwalang-paniwala sya sa report na iyon. Nakakapagtaka po dahil ang pagkakaalam ko dati, galit na galit din siya sa mga trapong katulad ni Enrile, e ngayon naman po ay parang bilib na bilib na. At kung totoong nariyan ang mga detalye at pruweba, bakit sa tinagal ng panahon wala pa pong nagfifile ng kaso laban kay Senador Villar sa Husgado? Bakit po sa Senado lamang ang usapan? Bakit ayaw pong dalhin sa korte at nang magkalabasan ng ebidensya?
Ang ibig ko pong sabihin ay ganito. Kung gusto nating isiwalat ang corruption, kailangan pong hanapin natin ang puno’t dulo nito. Kailangan natin ang mahinahong pagtingin at hindi mga batikos na mabababaw lamang. Hindi po tayo dapat padagos-dagos na gumawa ng konklusiyon, bagkus ay dapat tingnan natin ang lahat ng mga ebidensya ng mahinahon.
Matagal na pong nangyayari ito. Noong mga nakaraan, ang dami pong batikos laban kay Presidente Gloria Macapagal Arroyo at maging sa First Gentleman, pero wala naman pong nangyari. Marami pong naniniwala sa mga batikos, pero hindi po sapat ang paniniwala nila, sapat para gumawa ng aksyon. Kasi po, ang mga witness at ang mga nagpaparatang, parang mga corrupt din. E sino po ba ang dapat paniwalaan. Tuloy ang nangyayari, hanggang ngayon nabibitin lamang tayong lahat sa katotohanan. Wala pong nakaalam na mga tunay na pangyayari. Ang mga nakakaalam po ay magsalita na kumpleto. Gusto nila ay partial lamang ang sabihin. Para pong nagbibiro o namumulitika lamang.
Kasi po, kapag batikos tayo ng batikos ng walang matibay na basehan, nawawalan po tayo ng kredibilidad. Binibitin lamang po ba natin ang katotohanan at ginagamit sa politika hanggan sa mapipiga ito? Ayaw po ba nating ituloy ang kaso sa husgado dahil may itinatago din tayo? O baka naman talagang biro lamang ang ating paratang at walang katotohanan.
Kung ito po ang ginagawa natin, alam na po nating walang magbabago.. kasama po tayong nagsusulong ng maling sistema sa ating bayan. Hindi po nakakatulong o makakatulong ito. Nalilito lamang ang tao at hindi na nila malaman kung sino at ano ang paniniwalaan. Nawawalan na rin po ang lahat ng tiwala sa kapwa Pilipino. Wala pong mabuting idudulot. Ito ang Sentro ng Katotohanan.
Sentro ng Katotohanan
TTh 8.30-9.30PM, DWBL 1242KHz
No comments:
Post a Comment