Pork Barrel
Sa tuwing eleksyon ng pampanguluhan, lahat po ng kandidato ay pagbabago ang sinasabi. Kailangan daw alisin ang korapsyon sa gobyerno. Ang kailangan daw natin ay good governance.
Pero kung iisipin po natin, pagbabago po ba kaya talaga ang isinusulong ng mga kandidato?
Ang isa po sa nakikita kong dapat baguhin sa Pilipinas ay ang sistema ng pork barrel. Doon po sa mga hindi nakakaalam, ang pork barrel po ay ang pondo ng gobyerno na inilalaan sa mga congressional projects. Ang mga congressman po at senador ay binibigyan ng pondo ng pangulo para sa kanilang mga proyekto. Minsan, sila po mismo ang gumagawa ng kanilang sariling pork barrel sa pamamagitan ng pagsisingit ng kanilang projects sa iba’t-ibang departamento na dadagdag sa pangkabuoang budget ng gobyerno.
Kung iisipin po natin, ang sistema pong ito ay ginagawa para lumakas ang tsansa ng mga legislator na ma-reelect sila. Ito rin po ay ginawa para mapasunod ng Pangulo ang mga legislators sa kanyang agenda. Meron pa bang ibang dahilan?
Sa totoo lang, ang sistemang ito ay magastos at punong-puno ng corruption. Bilyon piso po ang inilalaan natin para sa pondo ng pork barrel. Sana man lang ay bumabalik sa atin ay mas magandang healthcare at sports program. Pero ang karaniwang bumabalik sa atin ay mga panandaliang medical mission at mga basketball courts lamang. Ang tanong, bakit ayaw pong alisin ito ng mga kandidato?
Sa mga forums na nagdaan, naitanong na po ito sa mga kandidato. Parati po ang sagot nila ay may naitutulong din ang pork barrel. Akala ko po ba ay pagbabago ang kanilang isinusulong? Bakit po ayaw nilang alisin ito ng tahasan? At kung ayaw nila, hindi po ba talagang pinagpapawalang bahala na nila ang kagustuhan ng bayan?
Sa mga kandidato po sa pagkapangulo, iisa lamang po ang narinig ko na tahasang nagsasabing aalisin niya ang pork barrel system sa Pilipinas. Iyon po ay walang iba kundi si JC Delos Reyes ng Ang Kapatiran Party.
Ang mga iba po ay medyo malabnaw ang pronouncements. Sabi po ni Nicanor Perlas sa kanyang plataporma, iaadvocate daw niya ang pag-alis ng pork barrel. Ganun din ang sinabi ni Gilbert Teodoro sa isang speech. Si Jamby Madrigal po, bagamat sinasabi po niya na hindi niya kinukuha ang kanyang pork barrel funds, na nagkakahalaga daw ng 200 milyong piso bawat isang senador, wala naman po aking narinig na pronouncement kung aalisin niya ito kapag nanalo siya bilang pangulo. Si Senador Villar po naman ay ireredesign nya raw ang pork barrel para naka-align sa proyekto ng pangulo. Wala naman pong binanggit tungkol dito ang partido ni Senador Aquino, at pati maging ang kampanya ni Senador Gordon.
Samakatwid, kung titingnan pa lamang po natin ang pork barrel at kung ano ang hinaharap nito, alam na po nating walang magbabago sa ating gobyerno. Sabi nga po nung isang vice presidential candidate ng Ang Kapatiran na nainterview natin, si Atty. Jun Chipeco, sabi niya: paano raw tayo magbabago kung gusto nga raw natin ng pagbabago pero ang ginagawa naman natin ay yung dati pa rin?
Ito ang Sentro ng Katotohanan.
Listen to Sentro ng Katotohanan, 8.30-9.30PM, T-Th, DWBL 1242KHz.
1 comment:
tama..talagang tahasan na ang pork barrel na iyan...
kaya pala nagkakaroon ng mga patayan sa posisyon representative dahil sa 70 milyones na ibinibigay ng pamahalaan sa bawat kongresista na dapat ay sa mamamayan mapunta.
ito rin and dahilan ng patuloy na pagbagsak ng ating lipunan, isa itong pabigat!!
kay ayon ako kung aalisin ang piork barrel...
Post a Comment