Wednesday, January 13, 2010

Are we ready to be Green?

The following is the commentary I read during the Sentro ng Katotohanan broadcast yesterday.

Handa ba tayong maging Berde?

Noong nakaraang taon, noong Setyembre at Oktubre, talagang nasa gitna po ng balita ang tungkol sa bahang idinulot ng Ondoy at Pepeng. Lahat po ng tao, ito ang pinag-uusapan. Napakarami po ang nasalanta, mahigit 600 ang namatay sa dalawang bagyo. Daang libo po ang nagpunta sa evacuation and relief center at mahigit isang Milyong Pilipino ang diretsong naapektuhan. Mahigit 30 Bilyong Piso raw po ang nasira sa infrastructure at agriculture. Sa isang bansang mahirap gaya natin, e talagang malaking dagok ito.

Sa kabilang banda, marami ang nag-donate, sa Red Cross, at maging sa TV networks na tila mo kumukumpitensya pa sa Red Cross. Kabi-kabila po ang donation drive, may mga concerts ng mga banda at iba pang musicians, may mga artista sumasagot sa telepono sa TV para makuha ang donations at kung ano-ano pa. Napakalaking balita po, siguro ito ang pinakamalaking balita sa atin noong 2009.

Ngayon, makatapos ang tatlong buwan, ano na po ang nangyari. Nakalimutan na po ba natin? Kailan po kaya natin maaalala ito..., pag dumating ang susunod na grabeng pagbaha?

Ano na po kaya ang nangyari sa Reconstruction Commission na itinatag ng gobyerno. Bakit po kaya wala na tayong naririnig na balita? Ang alam ko po si businessman Manny Pangilinan ang Chairman ng Commission na ito. Sa isang businessman po kagaya ni Mr. Pangilinan, imposible pong walang nangyayari. Bakit po kaya hindi natin naririnig?

Ang isa pong component ng sakuna na nangyari ay ang mga environmental concerns. Kung narinig na po natin ang global warming, yun po ang tinutukoy ko. Marami po ang nagsasabi na kaya ganito kagrabe ang pagbaha sa atin ay dahil sa global warming na dulot daw ng mga greenhouse gasses na karamihan ay nanggagaling sa mga advanced countries. Kung meron pong makakaalala, nagkaroon po ng environmental summit noong disyembre sa copenhagen, Denmark. Dumalo po ang Pangulo natin doon. Meron po bang nakakaalam kung ano ang ginawa ng pangulo doon? Bakit po kaya, sa kabila ng Ondoy at Pepeng ay parang hindi tayo gaano interesado?

Sa mga nagaganap po sa ating bayan, meron po bang mga bagay na ginagawa ang mga tao upang maiwasan ang pagbaha? Napag-uusapan pa po ba ang waste management at tamang pagtatapon ng basura? Napag-uusapan pa po ba ang pag-convert ng mga gamit na na plastik pabalik sa langis? Napag-uusapan pa po ba ang alternative fuel sources?

Bakit po kaya hindi?

Sa palagay ko po, ang pinag-uusapan ng mga tao ay kung ano ang nakikita nila sa mass media. Kung ang mass media po ay hindi interesado, hindi rin po interesado ang mga tao. Kung ang mass media po ay interesado lamang kumuha ng mga donasyon para pambigay sa mga biktima ng baha, at hindi interesado sa mga bagay na dapat gawin para maiwasan ang baha.. alam na po natin kung nasaan ang katumbas na interes ng tao. Kung ang mass media po ay hindi handang maging berde, hindi po tayo magiging handang maging berde o Green.

Makikita po natin, na ang mass media po ay may kapangyarihang mag-set ng agenda sa ating bayan. Ito ang Sentro ng Katotohanan.


www.leadphil.blogspot.com

No comments: