Nilimot ng Tadhana
Siyam na taon na ang nakakalilipas, mayroong isang napakalaki at napakahalagang pangyayari ang naganap sa Pilipinas. Importante po ito at hindi dapat ipagpawalang bahala.. Alam po ba ninyo kung ano ang itinutukoy ko? Siguro po ay nakalimutan ninyo na.. Ang itinutukoy ko po ay ang EDSA DOS.
Siyam na taon na ang nakakaraan, ang Pangulong Joseph Estrada ay bumaba sa Malacanang dahil sa matinding People Power na nagaganap sa EDSA. Kung maaalala ninyo, nag-umpisa sa ilang daan hanggang lumago sa ilang daang libo kung hindi man milyon na bilang ng Pilipino ang nagpunta sa EDSA simula sa gabi ng January 17, 2001 hanggang sa pagbaba sa pwesto ng Pangulong Estrada noong January 20, 2001.
Alam po natin lahat kung saan nag-ugat ang EDSA DOS. Ito po ay nagmula sa impeachment ng dating Pangulo dahil sa kanyang graft and corruption na may kinalaman sa BW Resources Stock manipulation, sa Tobacco Excise Tax, sa Jueteng Bribery scandal at iba pa. Sa sumunod na usapin sa korte, napagtanto po na guilty ang dating Pangulo at nahatulan siya ng habambuhay na pagkakabilanggo. Sa huli, siya po ay binigyan ni Pangulong Arroyo ng pardon at kahapon nga po, sa mismong anniversary ng EDSA DOS, ay pinahintulutan naman ng COMELEC na tumakbo muli bilang Pangulo ng bayan sa darating na halalan.
Kung wala po kayong nakikitang mga pagkakamali sa senaryong ito na nagaganap sa ating bayan, alam na po natin: walang tayong mararating. Kung hindi po natin nakikita kung gaano kababa ang pagtrato natin sa ating sarili at hindi natin pinagpapahalagahan ang mga nakaraan at katotohanan sa ating bayan, talagang hindi tayo makakaalis dito sa kangkungan.
Sabi nga po ng pangalan ng tropang kinabibilangan ng aking co-anchor na si Iya, sabi nila Get Real Philippines. Magpakatotoo ka Pilipinas.
Anong klaseng bayan po tayo kung ang mga pangyayari kagaya ng EDSA DOS ay kalilimutan natin at hindi papansinin, ni hindi natin pag-uusapan kung anong aral ang makukuha natin doon?
Anong klaseng bayan mayroon tayo kung hindi man lang natin makita na mas grabe ang corruption sa panahon ni Marcos at ni Estrada kaysa kay Arroyo? Anong klaseng bayan mayroon tayo kung makakalimutan natin na noong panahon ni Marcos at Estrada, sadyang bagsak at bumabagsak pa ang ekonomiya dahil talagang ayaw na ng mga tao, maging Pilipino man o banyaga na mag-invest at magtayo ng business sa bayan?
Anong klaseng bayan mayroon tayo kung ang isang convicted plunderer na hindi natin alam kung ilan ang anak at asawa at mayroon pa ngang constitutional ban sa reeleksyon ay pinapayagan pang muling tumakbo pagkapangulo? At ang mas malaking tanong: anong klaseng bayan mayroon tayo, kung mayroon pang taong boboto sa kanya, kagaya ng sinasaad sa mga resulta ng mga surveys?
Anong klaseng bayan tayo kung hinahayaan nating sirain ng bawat isa ang integrity at character ng iba, sa pamamagitan lamang ng mga paratang at parinig, nang walang pruweba man lang na ipinakikita? At hinahayaan naman natin ang mga proven na na mangalandakan pa?
Sa inyong nakikinig sa akin, hindi po ito ang bayan natin. Hindi po. Hindi po ito ang bayan ng mga Del Pilar at Luna, ng mga Silang at Malvar. Hindi po. Hindi po ito ang bayan ni Rizal at Bonifacio. Hindi po.
Bawiin po sana natin ang ating bayan. Labanan po natin ang katangahan. Itayo po natin ang ating dignidad. Huwag po sana nating hayaang lokohin tayo ng mga taong nagkukunwaring makabayan at ginagamit ang ating kahirapan para sa kanilang panloloko. Hindi po ito ang laban ng good versus evil. Ito po ang laban ng pagkukunwari at katotohanan. Ito ang Sentro ng Katotohanan.
Thursday, January 21, 2010
EDSA DOS, Nilimot ng Tadhana
The following is a commentary to be read tonight at Sentro ng Katotohanan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment