Tuesday, December 29, 2009

Sentro on Firecrackers

The following is the Sentro ng Katotohanan commentary to be read during tonight's broadcast:

Mga Paputok ng Bagong Taon

Bagong taon na naman po. Matapos ang pasko, New Year naman ang ipag-didiwang natin. Isa na naman pong masayang pagdiriwang ang ating inaasahan sa new year na ito. Masaya nga po sana kung hindi lamang taon-taon ay marami ang namamatay at nasusugatan dahil sa paputok. Taon-taon, may mga factory po at tindahan ng paputok na biglang sumasabog o kaya ay nasusunog.. May mga batang namamatay po sa pagkain ng watusi, may mga natetetano sa sugat na sanhi ng paputok at mayroon ding natatamaan ng mga balang ligaw.

Ang una ko pong tanong ay, kung bakit nga po ba tayo, nagpapaputok. Sabi po ng mga matatanda, ito raw po ay pag-iingay upang mawala ang mga demonyo at masasamang espiritu sa paligid natin. Medyo nakakatawa po iyong dahilan na iyon, pero wag nating masamain. Siguro ang tradisyon na ito ay para maalala natin na ang bagong taon ay maaring maging simula ng pagbabago. O ang pagtanggal ng ating mga personal demons, ika nga. Sana.

Pero yun nga po kaya ang dahilan kung bakit tayo nagpapaputok. For example, doon po sa nagpapaputok ng baril, ginawa po kaya nya yon para mawala ang demonyo. Hindi kaya demonyo ang nagtulak sa kanya para magpaputok?

Sa isang column nabasa ko sa Philippine Star, yung Consumerline ni Ms. Ching Alano, inilista po niya ang sinasabi ng isang grupo, yung EcoWaste, kung ano raw ang mga dahilan kung bakit tayo dapat umiwas sa paputok..

Una nga po ay dahil delikado ito at diretsang nagiging dahilan ng kamatayan at injury. Marami rin pong chemical ito na nagdadagdag pollution at nakakadagdag sa pagkakasakit ng mga tao, gaya ng hika at ilan pang sakit sa baga at sa balat. Marami rin daw na basura at chemical ito na iniiwan sa ating lupa. Marami rin daw ang nabibingi at inaatake ng nerbyos sa paputok. At magastos daw ito, gastos na dapat ay naidagdag natin sa kakainin ng ating mga anak para sa darating na taon.

Mayroon pa po akong gustong idagdag. Nakapasok na ba kayo ng gawaan ng paputok sa Bocaue? Ako po ay nakapasok na, ang buong paligid po ay punong-puno ng pulbura. Iisa lang po ang kulay ng buong paligid, dark blue. Ang mga manggagawa po, kulay dark blue din, mata lang halos ang kita. Sa palagay ko po, hindi ito nakakatulong kahit mismo sa mga manggagawa.

Kung gusto mag-ingay, marami naman daw pong alternative. Pwede naman pong magtambol na lang o kaya ay magtorotot (wag lang pong torototin yung asawa nung may asawa).. pwede rin pong magkaraoke hanggang gusto mo, okey lang kahit sintunado.., pwedeng patugtugin ang stereo, o ipotpot ng husto ang busina ng mga sasakyan. Ito po ang panahon na pwedeng mag-ingay at walang magrereklamo. Pwede rin pong manood na lang sa mga paputok at pailaw ng mga malls, at ilang local governments. Mas maganda pang panoorin at hindi delikado sa anak natin. Pero yun nga po, hindi tayo natututo, paulit-ulit may namamatay at nasusugatan.

Ang ikalawa ko pong tanong, ang mga leaders po ba natin ay may natututunan? Bakit po walang nagbabantay sa mga factory ng paputok? Paano po sila nakakakuha ng permit kung obvious na delikado ang kanilang operasyon? Ilan po kayang gawaan ng paputok ang talagang nakarehistro? Bakit po walang nasasarang mga factory?

Sa mga may nasusugatan, karamihan po ay may involved na mga lasing, bakit wala pong nakukulong sa mga nagpapaputok na nakapagdulot ng aksidente? Sa DOH, sa DTI, sa mga mayors ng Bocaue, Sta. Maria at Marilao, bakit po taon-taon ay may nangyayaring sakuna sa paputok? Ano po ang ginagawa ninyo? Sa mga senador at congressman, ano po ang ginagawa ninyo bukod sa pagsasabing huwag magpaputok?

Sa palagay ko po, ang mga katanungang ito, ay ang mga tunay na demonyong hindi mawawala, kahit magpaputok pa tayo ng magpaputok, ng pla-pla, picolo o atomic bomb.

Ito ang Sentro ng Katotohanan.


www.leadphil.blogspot.com

No comments: