Thursday, December 10, 2009

Ang Konstitusyon ay Hindi Hari

The following is Sentro ng Katotohanan's talking points to be read on the broadcast tonight:

Ang Konstitusyon ay Hindi Hari

Sa Kongreso po ay pinag-uusapan kung dapat bang i-revoke ang Martial Law sa Maguindanao. Siguro po ay marami sa inyo ang nakapakinig ng live sa Radio o napanood sa tv ang mga nangyayari sa kongreso.

Binasa ko po yung nakalagay sa constitution natin tungkol sa martial law. Bagama’t sinasabi po doon na ang Presidente ay pwede lamang maglagay ng martial law kung may invasion o may rebelyon, wala naman pong nakalagay doon kung ang mga congressmen at senators ay dapat magdecide base sa parehong batayan. Lumalabas po e kung basta feel lang ng joint congress ang martial law e pwede na nilang hayaan ito na nakataas. Lumalabas din po na madali lang palang mag-declare ng martial law. Kongreso lang ang katapat.

Samantala, kung may isang Filipino citizen po ang nagsampa ng usapin ng Martial Law sa Supreme Court, katungkulan po nito na ireview iyon at tingnan kung may basehan, at magdesisyon sa loob ng 30 araw mula sa pagkaka-file. Kung lumabas po sa Supreme Court na unconstitutional ito, e dapat pong i-lift ito ng Presidente. Kung hindi, ay pwede siyang ma-impeach, bagay na katungkulan na naman ng Kongreso at Senado.

Dyan po natin makikita ang importansya ng ating boto, hindi lamang po sa Pangulo, pati sa mga senador at congressmen. Kung hindi po tayo bumoboto ng tama sa mga taong dapat pagkatiwalaan, e baka po isang araw lang e mawala na lahat ang human rights natin.

Balikan po natin ang argumento sa constitutionality ng Martial Law sa Maguindanao. Obvious po na ang usapin ay mauuwi sa: KUNG MAY REBELYON BANG NAGAGANAP O WALA. Ibig sabihin po niyan ay dapat mailinaw ang definition ng rebelyon sa ating batas, isang bagay pwedeng palabuin ng ibat-ibang kampo.

Ang problema pa po e ang lumalabas at umiibabaw sa mga usapan ay malayo sa dapat pag-usapan. Ang pinag-uusapan po, ay ang masama raw na motibo ng Pangulo – gusto raw nito na makinabang sa massacre sa Maguindanao at gamitin ito upang maging Pangulo habang buhay. Alam ninyo, kahit ano po ang gawin natin, hindi naman po natin masisigurado ang motibo. Diyos lamang po siguro ang nakakaalam noon. Ang pwede lang po nating basehan ay kung ano ang ginagawa at kung ano ang nangyayari at kung ano ang resulta. Ang motibo pong pinag-uuspan ay hula lamang. Eh kung ang buhay po natin at gawain, ay nakasalalay sa mga hula ng mga politikong gusto ring maging pangulo, hindi po kaya nauuuto lamang tayo?

Dito po sa Sentro ng Katotohanan, naniniwala po tayo na maraming kakulangan ang administrayong Arroyo. Dumadami po ang mahihirap at nagugutom. Nananatili pong bagsak ang ating ekonomiya. Nananatili pong hindi pantay-pantay ang ating hustisya. Dumadami po ang nakikita nating korapsyon, at naniniwala din tayo na kasama siya sa korapsyong ito. Pero kung gusto po natin siyang ipako sa krus, sa mass media at sa labas ng batas, e WALA PO TAYONG PINAG-KAIBA SA KANYA.

Balikan po natin ang issue. Para sa akin po ay dapat lamang tanungin natin ang ating sarili kung mas mainam ba, na may martial law doon sa Maguindanao, o wala? Mas mapapadali ba ang pagsasagawa ng hustisya kung mayroon nito?

Dapat po siguro isipin natin kung ano ang nais nating mangyari. Ako po ang gusto kong mangyari doon ay mawalan ng pwersa at makulong agad ang mga tunay na may kagagawan sa massacre. Makulong po sana silang lahat nang hindi napapalaban ang ating mga sundalo at pulis, dahil ayaw na po nating madagdagan pa ang casualty doon. Gusto po natin na agad ding malitis ang mga kriminal na ito, at sana’y maglabasan, at magproteksyonan natin ang mga witnesses. Gusto rin po natin na mawala na ang takot ng mga taga Maguindanao sa rest-back ng mga kriminal, at ng sa gayon ay mag-improve na ang kanilang buhay doon.

Kung makakatulong po ang martial law para masagawa ang lahat ng ito, e dapat nga po ay ihanap pa natin ito ng justification sa mismong constitution. Pero kung wala naman pong maitututong ang martial law, gamitin po natin ang constitution para tanggalin ito.

Pinapaalala ko lang, ang konstitusyon po ay hindi hari. Hindi po ito ang pinakamataas na batas ng sangkatauhan. Ito po ay ang pagsusulat lamang ng ating kagustuhan para sa atin ding kapakanan. Ginawa po ang konstitusyon para sa atin, at hindi tayo ang ginawa para sa konstitusyon!

Ito ang Sentro ng Katotohanan.


www.leadphil.blogspot.com

No comments: