Importante ba sa Pilipino ang ang Environment?
Noong Oktubre, ang Metro Manila ay nagulantang ng malaking baha na dulot ng pag-ulan kasama ng bagyong si Ondoy. Pagkatapos noon, isa pang bagyo, si Pepeng ang nagdulot din ng parehong sakuna sa ilang parte ng North at Central Luzon.. Pagkatapos ng mga pagbahang iyon, bumuhos ang galit ng mga tao sa paninisi sa pagpapakawala ng tubig sa dam. Pero ngayon po, parang nakalimutan na natin. Ano po ba ang natutunan natin, meron po ba talagang pagkakamali ang mga administrator ng mga dam sa pagpapakawala ng tubig o wala? Noong panahong iyon, sa palagay ko, ako ang isa sa mga iilang nagsasabing huwag naman nating sisisihin ang dam hangga’t hindi natin alam ang puno’t dulo ng problema.
Ilan pa rin po sa katanungan ay kung may kasalanan ba ang mga mayors at governors sa kawalang preparasyon nila sa mga ganitong sakuna. Hinayaan po ba nila ang kanilang mga kababayang tumira sa tabi ng mga ilog na siguradong papatay sa kanila pag mag pagbahang mangyayari? Pinagbale-walang bahala po ba nila ang mga mahihirap nating mga kababayan?
Nakalulungkot po, pero ang mga issues na ito ay nakalimutan na natin. Makatapos ang mahigit isang buwan, wala po tayong natutunan. Sa palagay ko, dahil sa pagkalimut natin sa issue na ito ay hindi na natin malalaman ang katotohanan. Eto po ay isang halimbawa ng ningas cogon. Ang dali po nating magalit, pero ang dali rin nating makalimot.
Sa eleksyong pampanguluhan, hindi iisang beses kong narinig ang mga kandidato na sila daw ay pro-environment. Pati po iba-ibang personalities sa mass media ay ganun din ang sinasabi. Maging ang mga commentator sa radio at mga kolumnista sa dyaryo ay nagpapahayag ng importansya ng environment. Makatapos ang mahigit lamang isang buwan ng pagbaha ni Ondoy at Pepeng, nasaan na po tayo?
Kahapon, umalis po si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo papuntang Copenhagen, sa Denmark, upang umattend ng UN summit on climate change. Marami pong issues ang tinatalakay doon. Nandyan po ang pagkuha ng commitment sa mga advanced countries, gaya ng Estados Unidos, para pababain ang kanilang emmission ng greenhouse gasses. Nandyan din po ang pagpapapigil sa mga developing countries kagaya ng India at China sa kanilang pataas na pataas na emissions, kasabay ng pag-abante ng ekonomiya ng kanilang bansa. Nandyan din, at pinaka-importante para sa atin, ay ang pagkuha ng commitment sa mga malalaking bansa sa pagbigay nila ng pondo (hanggang 1% ng kanilang GDP) upang makatulong sa mga maliliit na bansa na nabibiktma ng epekto ng climate change. Dito po nakasalalay kung anong tulong ang makukuha natin sa advanced countries kapag tayo ay nasasalanta ng mga bagyo at pagbaha. Ito po ay may diretsang epekto sa mga pinaka-mahihirap na kababayan natin na nangangailan ng ganitong tulong. Napaka-importante po nito hindi po ba?
Muli, nakakalungkot po, lumalabas po e hindi ito importante sa mga Pinoy at hindi importante sa mass media. Ang issue na ito ay hindi po napapag-usapan. Nagbabasa po ako ng mga dyaryo kanina at nag-sesearch sa internet sa mga websites ng mga dyaryo, wala pong pinag-uusapan – Meron lang pong isang maliit na news na umalis na raw ang pangulo. Nakinig po ako ng radyo kaninang umaga, wala rin pong balita ukol dito.
Malungkot po talaga. Ganito na po kababaw ang usapan sa ating bayan. Hindi po ako magugulat, sa pagbalik ng Pangulo, ang mga issues lamang na mapapansin ng mass media ay kung ano ang kinain at kung saang restaurant kumain ang Pangulo. Hangga’t hindi nagbabago ang ganitong sitwasyon, hindi po magbabago ang bayan natin.
Ito ang Sentro ng Katotohanan.
www.leadphil.blogspot.com
No comments:
Post a Comment